Wednesday, October 5, 2011

"Para kay Sir Jayson"

Para kay Sir Jayson,
     
        Magandang araw po sa inyo, nalalapit na ang araw ng semestrehang bakasyon at sa totoo lamang, hindi ko alam ang sasabihin sa post na ito pero gagamitin ko na ang pagkakataong ito para magpasalamat sa inyo sa lahat ng mga kaalamang naibahagi mo sa akin o sa amin. Sana ay 'di ka magbago at sana ay 'wag niyo po kaming kalimutan. Kayo ay naging bahagi din sa aming buhay at sana ganun din kami sa inyo.
     
        Magaling po kayong magturo at mabait pa, hindi kami nainip sa iyong stratehiya ng pagtuturo kaya marami kaming natutunan. Muli, maraming salamat sa iyo Sir Jason.
                                                                                                                                 
                                                                                                                                 Ang iyong estudyante,
                                                                                                                                            Victor Soriano

"Ang Aking mga Karanasan sa Filipino 110"

Sa asignaturang ito natututo ako ng iba't ibang kaalaman hinggil sa retorika o sa asignaturang "Filipino" na noon ay hindi ko pa alam, sa madaling salita, merong mga kaalaman na nadagdag sa aking isipan. Ang mga kaalaman na ito ay hindi mananakaw ng sino man sa akin, kung kaya't ang mga ito ay itinuturing kong kayamanan. Kagaya nga ng sabi ng iba, ang kaalaman ng isang tao ay isang bagay na hindi maaaring kunin nino man. At syempre hindi ko o namin matututunan ang mga ito kung wala ang aming mahal na guro na si "Sir Jason". Sa post kong ito, nais ko s'yang pasalamatan sa mga naituro niya sa amin, maraming salamat sa inyo sir. Ang karanasan sa asignaturang ito para sa akin ay isang masayang karanasan, marami din kaming ginawang mga aktibidades at habang kami ay nagkakasiyahan kami rin ay natututo. Sayang nga lang dahil ang ibang mga gawain ay hindi na namin nagawa, dahil siguro sa kakulangan ng oras. Ang karanasan kong ito sa Filipino110 ay isang karanasang hindi ko malilimutan.

"Ang Sining ng Aking Pangalan"

John ang ibinigay saking pangalan
O kay sarap sa tenga kung pakinggan
Hindi ko talaga malilimutan
Nang sa mundong ito ako'y isilang

Victor ngayon ang tawag nila sakin
Isang mananayaw doon sa amin
"Careless Whisper" akin ding inabutan
Todong todo ito sa kasikatan
O ano pa nga ba'ng masasabi ko?
Respeto ang para sa Pilipino

Thursday, August 18, 2011

"SI P-NOY PARA SA MGA PINOY"

Sabi ng nakararami, ang pangulo ang nagsisilbing utak ng bansa. Sa ngayon ang ating presidente ay si Pangulong Benigno Aquino II, sa madaling salita tayo ngayon ay nasa administrasyong Aquino. 


Kung ating susuriin, maraming mga pangulo na ang naglingkod sa ating bansa, marami ang nangako, at karamihan sa kanilang mga pangako ay napapako. Ngayong taon na ito, ano nga ba ang mga pangako ni Presidenteng Noy-noy sa atin o sa taumbayan. Para sa akin, maayos naman ang kanyang mga ginagawa, ngunit meron lamang akong napansin, sa aking palagay ay masyado s'yang kampante o "relaxed", para s'yang "easy-go-lucky". Sana lamang ay ginagawa n'yang mabuti ang kanyang tungkulin at ang tanging hiling ko lamang sa kanya ay tuparin n'ya ang kanyang mga ipinangako sa mga mamamayan ng ating bansang Pilipinas.

Saturday, August 13, 2011

"ANG AWIT NG AKING BUHAY"

"NOYPI by BAMBOO"


Ito ang napili kong awit ng aking buhay. Napili ko ito dahil ang mensahe ng kanta ay tila ang aking sarili. Ako, kahit na nahihirapan na sa dami ng mga problema, hindi ko nakakalimutan na magsaya kahit papaano, kahit na saglit lamang. Naniniwala kasi ako na hindi lahat ng problema ay kailangang problemahin natin ng sobra, minsan kasi dahil sa sobrang pamomroblema natin hindi nadin natin nakikita ang solusyon. Handa din akong tumulong sa iba kung kinakailangan. 

Gustong gusto ko ang kantang ito sa dahil Diyos talaga ang aking sikreto para magawa ang lahat ng mga bagay, para malagpasan lahat ng pagsubok na dumadating sa akin. Naniniwala kasi ako na hindi naman S'ya magbibigay ng mga pagsubok na hindi natin kayang lagpasan. Ito ang awit ng aking buhay, "noypi".

"SAMPUNG TAON MULA NGAYON, HETO NA AKO!"

Lahat tayo ay may mag pangarap sa buhay na gusto nating matupad. At para matupad ang mga ito, kailangan nating magsumikap. Sampung taon mula ngayon, nakikita ko ang aking sarili, dalawampu't walong taong gulang na at nagtatrabaho sa isang kumpanya. Nagsusumikap kumita ng pera para matulungan ang aking mga magulang, para maiparanas ko sa kanila ang mga bagay na hindi pa nila naranasan noon. Inalagaan nila kami ng mga kapatid ko noon at ngayon, ako naman ang mag-aalaga sa kanila. Nakikinikinita ko rin na natagpuan ko na ang babaeng mamahalin ko at mamahalin din ako. At dahil doon lalo akong nagsumikap para makapag-ipon para sa kinabukasan ng aming itatayong pamilya. Masarap isipin ang mga gusto nating mangyari sa hinaharap, pero hindi sapat kung puro isip lamang ang ating gagawin, kailangan natin magsumikap at magpunyagi para makamit ang mga ito.

"SI CRUSH"

Madaming tao ang may crush, ang iba nagkakacrush dahil maganda ang isang tao at meron din namang dahil sa kagandahang ugali nito. Lahat tayo may kanya kanyang dahilan para magustuhan o hangaan ang isang tao. Syempre ako man ay may crush, naging crush ko ang babaeng ito dahil cute s'ya sa tingin ko, at mukha naman s'yang mabait. 'Wag n'yo nalang sasabihin sa kanya na crush ko s'ya, baka kasi mahiya ako. Ito ang kanyang larawan na kinuha ko mula sa "FACEBOOK".


Cute s'ya 'di ba? S'ya nga pala si Joana Gapuz, nakatira sa Caanawan, San Jose City, Nueva Ecija. Sa totoo lang hindi ko pa s'ya gaano kilala kasi hindi naman kami "close" kaya wala ako gaano masasabi tungkol sa kanya. Kayo? Sino naman ang taong hinahangaan n'yo?

Friday, August 12, 2011

"AKO BILANG ISANG BAGAY"

Kung ako ay ihahalintulad sa isang bagay, ang gusto ko ay isang sapatos. Bakit isang sapatos? Bakit nga ba? Dahil katulad ng mga sapatos na sinusuot natin, madami na akong napagdaanan, ang mga daanang malubak ay maihahalintulad ko sa mga problema o mga pagsubok na nalagpasan ko na at ang mga daanang maganda naman ay nagsisilbing palatandaan ng aking tagumpay sa bawat pagsubok na dumating sa aking buhay. Ang sapatos kung titignan natin sa panlabas na anyo ay isang maliit na bagay lamang, pero kahit na maliit ito, malaki naman ang naitutulong nito sa atin. Hindi nito hahayaang magpaltos ang ating mga paa sa init ng daan, hindi rin nito hinahayaang masugatan tayo kung merong mga matatalim na bagay sa daan tulad ng isang basag na bote. Ang sapatos ay hindi natin maaaring kutyain ng basta basta, kahit gaano kapangit ang disenyo, kahit galing lamang sa ukay-ukay at kahit na ibinigay lamang sa atin, mapakikinabangan parin natin ito.


Ganyan din ako, ang mga mahal ko sa buhay ay hindi ko pinababayaan, at hindi mo ako maaaring husgahan hangga't hindi mo ako lubusang nakikilala. Ang sabi nga ng iba, kahit na makita mo ang panlabas na anyo ng isang tao, hindi sapat iyon para husgahan mo siya.

Sunday, July 24, 2011

"ITO ANG PAMILYA KO"

Noon, lima kami sa aming pamilya, ako ang ate ko, ang bunso namin at ang aming mga magulang. Pero ngayon walo na, idagdag mo na ang bayaw ko at ang kambal kong pamangkin. Ito ang aking ate, si Diana Mae M. Soriano nung wala pang asawa, ngayon ang apelyido na n'ya ay De Vera.


Malapit kami sa isa't isa ng ate ko. Bakit nga ba kami malapit sa isa't isa? siguro dahil parehas kaming kalog. Mahal na mahal ko itong ate ko na ito, hindi lang kapatid ang tingin ko sa kanya kundi isang kaibigan nadin. At ito nga pla ang bayaw ko, si Randy De Vera.


Astig din ano? Pero mabait yan, magkasundo naman kasi kami at alam ko din naman na mahal na mahal n'ya ang ate ko. Kaya nga masaya ako para sa kanilang dalawa eh. Sana huwag magbago ang pagmamahal nila sa bawat isa. Ang susunnod na larawan ay larawan ng aking mga pamangkin.


Ang "cute" nila ano? Parang inedit lang sa Adobe Photoshop. Ang mga pamangkin ko na ito ang nagbibigay saya sa aming lahat sa bahay kahit na pagod kami. Inaasahan ko na sana ay lumaki silang mababait na bata. Nasa paggabay din naman namin yun 'di ba? Kaya dapat lagi namin silang ilagay sa tamang landas. Ito naman ang kapatid kong bunso, si Justin Jan M. Soriano.


Hindi kami magkasundo niyan pero syempre mahal ko din 'yan kahit na araw-araw nag-aaway kami. Hindi ko naman alam kung bakit lagi kami nag-aaway. Basta, makulit kasi s'ya, tapos makulit din ako, malamang nagkakakulitan na lang kami palagi. Ito naman ang aking pinakamamahal na mga magulang. Si Reynaldo Soriano at Marlene Soriano.


Pasensya na, wala kasi akong ibang picture nila na magkasama. Ang mga magulang kong ito ay mahal na mahal ko. May mga pagkakataon na nasasagot ko sila ng pabalang, pero kahit na ganun hindi ko naman sila kayang tratuhin ng masama. Pasaway kasi ako kaya kami nagkakasagutan, pero ayus lang yun dahil pinaparamdam ko naman na mahal na mahal ko sila. Kahit na ganito akong medyo maloko, sinisigurado ko sa kanila na hinding hindi ko sila iiwan sa ere. Kaya kong huminto sa pag-aaral kung kinakailangan para lamang sa kanila. Handa akong tulungan sila sa abot ng aking makakaya. Kaya sa lahat ng makakabasa ng post na ito, isa lang ang mensahe ko sa inyo, mahalin n'yo ang pamilya n'yo dahil nag-iisa lang sila na kadugo mo at kalaman. Kahit ano pa ang mangyaring pagsubok sa inyo huwag na huwag kayong bibitiw dahil hindi naman ibibigay ng Panginoon ang pagsubok na iyon kung alam N'ya na hindi natin kayang lagpasan. At gusto ko nga palang malaman ng lahat na mahal na mahal ko ang pamilya ko.

"AKO ITO"


Ako nga pala si Victor, ang buo kong pangalan ay John Victor M. Soriano. Ako ay pangalawa sa aming magkakapatid. Medyo may kalokohan din kahit papaano. Mahilig akong magsayaw, sa katunayan ako ay kabilang sa grupo na kung tawagin ay "JOBOYS".


Mahalaga sa akin ang sayaw, bakit? dahil ito lang ang talento ko na napag-ibayo ko. At sa sayaw rin maaari kong ipakita ang aking nararamdaman. Sa ngayon, ako ang kinikilalang "choreographer" sa aming grupo. Sa pagbubuo ng sayaw, hindi ako mahilig mangopya ng isang buong "dance routine" sa mga partikular na grupo, mas madalas na pinaghahalo-halo ko ang mga ideyang napupulot ko. Pinagsisikapan ko din na makabuo ng isang orihinal na "dance routine". Mas masaya kasi ang aking pakiramdam kung orihinal ang nabuo kong sayaw dahil maipagmamalaki ko ito sa aking sarili. Para sa akin mas mahalaga ang isang bagay na naipagmamalaki mo sa iyong sarili kaysa sa iba. Dahil paano mo ipagmamalaki ang mga bagay bagay sa ibang tao kung sa sarili mo mismo ay hindi mo magawang ipagmalaki, parang niloloko mo lang ang sarili mo pag ganun 'di ba? Mahilig ako manood ng mga sayawan. Madalas sa "youtube.com" ako nanonood. Iba't ibang sayaw at mga "dancers" na ang aking napanood at ang karamihan sa kanila ay hinangaan ko. Pagsubok din para sa akin ang mga napapanood ko, gusto ko kasing makagawa ng iba't ibang "dance routines" tulad na lang ng "krumping", "popping" at marami pang iba. Ibahin naman natin ang usapan, sabi ng iba mabait ako, sabi ko naman sa sarili ko mabait nga ako. Ayoko kasi ng mga away, kaya ang nakatatak lagi sa isip ko dapat matututo akong magpakumbaba. Pero syempre hindi naman natin maaalis ang kayabangan. Hindi naman siguro masamang magyabang basta huwag lang sosobra, tama ba? Ito ang aking sarili, sana ay mas nakilala ako ng nagbabasa nito.